NI: RAVENSON BIASON

Hindi naman bahay-ampunan ang tahanan ni George. Pero, nasa pangangalaga nila ng kaibigang si Ramil ang halos 20 bata na pinabayaan na ng kanilang mga magulang. Sila yung mga batang kalye, rugby boys, at mga namamalimos na kinupkop ng isa lamang nagre-repair ng mga sirang appliances sa puwesto nito na malapit lamang sa kanilang tinitirhan. Mga anim na taon na ring ginagawa ito ng 26-anyos na kelot. May aalis, may bagong darating. Okey lang daw dahil mahilig siya sa mga bata at masaya siya na nakakatulong sa kanila.
Si Ramil naman, 23-anyos ay nagtitinda ng kwek-kwek at balut sa labasan ng kanto ng Barangay Carnation. Para kay Ramil, lumalakas ang loob niya kapag kasama si George at ito ang nagbibigay sa kanya ng pag-asa. Ang mga batang kinupkop nila’y kusang sumama na sa kanila at minsa’y nagpapaalam umuwi ng kani-kanilang mga bahay. At kapag babalik ay welcome pa rin sila sa maligayang tahanan na tinatawag nilang Happy House. Nasa poder nila ang mga batang nasa edad 4-hanggang 13 anyos, Labing-isang lalaki at siyam na babae.
Pinapa-raket ni George ang mga bata na mangalakal na gusto naman ng mga ito. Pagsapit ng alas 7:00 ng umaga’y gayak na ang mga bata para mangalakal. May sasakyang L-300 na pag-aari ng isang kaibigan. Ito ang naghahatid sa mga bata sa kani-kaniyang destinasyon na malapit sa mga convenience store at palengke. May mga dala-dala silang mga sako para doon ilagay ang mga plastic na lalagyan ng ng prurified water o iced tea, fanta o lalagyang lata ng softdrinks o beer, mga iba pang plastic, at karton.
Ang mga binatilyo naman ay nagbobote. Sa isang banda, ayaw silang mamalimos ng binata pero pinilit siya ng mga ito para makatulong sa kanya sa mga gastusin. Bago mananghalian ay susunduin na ang mga bata ng sasakyan kung saan ay ilalagay doon ang mga nakuhang kalakal. Sa isang araw ay nakakakuha sila ng kalakal na 12 sako batay sa kani-kaniyang klase ng kalakal. Kumikita si George sa mga bata ng halos 3,000 piso sa isang araw. Kapag araw ng linggo ay pahinga sila at nagtutungo ng sama-sama sa bahay-sambahan upang magpasalamat sa Diyos.
Ang kalahati rito ay kanyang iniipon para sa pag-aaral ng mga bata na alam naman ng mga ito. Binibilhan niya rin ng vitamins ang mga bata gaya ng ascorbic acid, growee, at anti-biotics para matikas pa rin ang mga ito. Gusto ni George na hangga’t maaari’y masasarap na pagkain ang ipakain niya sa mga bata. Gaya ng hotdog, corned beef, fried chicken, at ice cream na nilalantakan ng mga ito tuwing weekend mula sa kanyang kinita sa pagre-repair. Kaya naman kahit mukhang mahirap sila ay malulusog ang mga bata. Isa pa, sinasanay niya sa kalinisan ang mga ito na kahit nasa depressed area lang ang kanilang tahanan ay kaysa silang lahat. Malinis at maayos ang loob ng pamamahay at may kanya-kanyang gawaing bahay ang itinuka sa bawat bata.
Sa mga bata’y pinakamalapit kay George si Trudis na 6-anyos na bata. Malambing at masayahin ito. Ipinangako ng binata na sa susunod na pasukan ay pag-aaralin na niya ito sa school. Ang naturang bata kasi ay iniwan sa kanya ng dating kasintahang si Ivy na inanakan lamang ng nobyo nitong pamangkin ng Kapitan ng barangay. May puwang pa rin sa puso niya ang babae kung kaya inako niyang parang tunay na anak si Trudis. Sa huling balita niya kay Ivy, 23-anyos ay nasa Japan ito. Bukod tanging si Trudis at ang batang 7-anyos na lalaking si Bokyo ang naiiwan sa bahay para magbantay, maglinis, at maghanda ng pagkain. Manaka-naka namang sumasaglit sa bahay si George para tingnan ang dalawa. Minsa’y nautusan ng binata si Trudis na bumili ng soldering lead sa hardware na nasa labasan lamang ng kanilang kanto. Pagbalik ng bata’y may dala na itong bagong kaibigan na batang babae na nasa 5-taong gulang. Mestisa ang tsinitang bata at mukhang anak mayaman.

Nagulat naman si George nang makita ang batang akay-akay ni Trudis. Akala niya ay kalaro lamang ito ng bata. Ngunit, nang makabalik siya sa repair shop at hanggang sa makauwi ay nandoon pa rin ang bata na nakikipaglaro ng jackstone kay Trudis. Agad namang tinanong ng binata si Bokyo habang nagsasaing.
“ Sino ba ang batang iyan, Bokyo? Baka hinahanap na ‘yan ng mga magulang niya.”
“ Hindi nga po niya alam ang pangalan niya, kuya George. Basta, sabi niya kay Trudis, dito na lang daw siya.” sagot ni Bokyo.
Medyo nabigla si George sa narinig. Gayunpaman, pinintahan niyang mabuti ang cute na bata at nalaman niyang hindi ito taga- rito sa kanila. Sa isip niya ay baka maglayas o naligaw kung kaya napadpad sa kanila. Na anak ito ng Intsik Ah, sumasakit ang ulo niya sa kaiisip, basta hangga’t walang kumukuha at naghahanap sa bata’y kukupkupin muna niya ito. Tuwang-tuwa naman ang mga ibang bata nang malamang makakasama nila ang mestisang kaibigan ni Trudis. Ang problema’y hindi ito sanay kumain ng pang-masa kung kaya madalas nilang ulam ay corned beef, ham, hotdog, nilagang baka at barbeque. Mula nang nandoon sa kanila ang misteryosang bata’y sinuwerte sila dahil lalong lumakas ang Repair shop ni George at ng kasosyo niyang si Pugay. Sold out naman lagi ang tinda ni Ramil kapag kasama niya ito sa puwesto ng kwek-kwek at iba pang tindang street foods sa kanto.
Isinama din minsan ni George ang bata sa repair shop para hindi mainip sa bahay. May inaayos siya noong DVD player. At ang matapos hinangin ang sirang piyesa niyaon ay nagsalang siya ng CD ng ABBA at pumailanlang ang tugtog na Chiquitita. Nabigla si George dahil kinakanta ng batang babae ang awit at sa pakiwari niya’y kabisado iyon ng bulilit. Sa totoo lang, paborito ng binata ang awiting iyon ng ABBA na una niyang awiting natutunang kantahin buhat nang siya ay magkaisip. Madalas kasi iyong pinapatugtog ng nanay Bella niya noong siya ay bata pa. Giliw na giliw si George habang minamasdang kumakanta ang bata. Maganda ang boses nito at bumibirit na nakatawag pansin sa mga dumadaan sa repair shop.
Kaya naman, dahil sa hindi matandaan ng mestisang bata ang kanyang pangalan ay tinawag na lang siyang Chiquitita nina George. Parang nagbuhos ng pagpapala ang Diyos sa pamamagitan ng bagong saltang bata. Paano kasi’y isinali ni George ito sa Birit Tsikiting Contest sa kanilang barangay. Nagwaging kampeon ang bata at nag-uwi ng sampung libong cash bukod sa tropeo. Kaya naman naghanda ng magarang salu-salo sa kanilang bahay dahil dun. Habang tumatagal ay nasasanay ang bata sa bagong kapaligiran na kinasadlakan niya ngayon. Kaso, may mga gabing umiiyak ito dahil hinahanap niya ang kanyang mommy. May pagkakataong napapansin niya itong laging tulala at malalim ang iniisip.
Inaalo na lamang ni George ang bata at sinasabing umalis lang ang kanyang mommy at babalikan siya. Tumatahan naman si Chiquitita kapag niyayakap ang bata. Matuling lumipas ang limang buwan na siya ring panahong inilagi ni Chiquitita sa kanilang pugad. Ngunit, malakas ang kutob ni George na hinahanap na ng mga magulang niya ang bata. Kaya, nakikiramdam din siya kung may naghahanap o may mga taong kumukuha ng impormasyon tungkol kay Chiquitita.
Isang out of town raket sa Laguna ang tinanggap ni George. Tinanggap niya ang alok ng isang Electronic Center shop na kung saan ang mga sirang computer o monitor nito ay gagawing TV. Halos dalawang linggo siya roon na papunta’t pabalik. Minsa’y niyaya siyang uminom ng anak ng may-ari ng shop na si Pete, 32-anyos sa isang kubol doon. Sa katapat puwesto nila ni Pete ay may nag-iinuman din na mga apat na kalalakihan habang nag-uusap.
“ Ka-malas naman natin mga tsong. Naging bato pa ang sampung milyon. Kung hindi sana naitakas ng driver ang mestisang bata, sana’y naipatubos natin iyon sa kanyang mga magulang.”
“ Umatras kasi ang Manding na yan sa plano natin. Nako-konsensiya raw siya. Kaya pala nang kikidnapin na natin ang bata’y nanlaban siya at pinatakas ito.”
“ Di ba, inupakan na natin iyon at napuruhan? Matibay din ano, biro mo, hindi na natin nasundan iyong kotseng minamaneho niya at nagawang makatakas sila ng bata.”
“ Gago ka rin ano? natural na susundin ni Manding ang amo niyang babae na iligtas ang bata. Di ba. sa inis ko’y binundol ko na lang iyong amo niyang babae na nahulog sa bangin sa Magallanes sa Cavite. Aba’y sinusuwerte pa rin ang likat… nabuhay at balita ko’y na-comatose raw kaya wala nang maalala.”
“ Ang alamin natin ngayon kung saan iniwan ni Manding ang bata sa San Basilio nang mabalita sa dyaryo na may lalaking natagpuang patay sa kotseng hinahabol natin na siya nga.”
“ Doon nga naglalagi ngayon si Billy, babalitaan niya na lang tayo kapag may development na. Malakas kasi ang kutob ko na nandoon lang sa Barangay Carnation ang bata dahil malapit doon nakaparada ang kotseng minaneho ni Manding.” sabi ng nagngangalang Julio sa apat na lalaki. Iyon ang narinig na usapan ni George sa kanila na konektado sa pagdating sa buhay nila ni Chiquitita.
“ Mga kidnapper pala ni Chiquitita ang mga ungas na ito. Tatandaan ko ang mga pagmumukha ninyo at kapag nagawi kayo sa barangay namin ay ipapatimbre ko kayo sa mga katropa-peks, mga gago!” wika ni George sa sarili. At para malaman ang mga impormasyon sa pagkatao ng bata ay tinanong niya si Pete kung may ideya ito sa naunsiyaming kidnap for ransom mga anim na buwan na ang nakakalipas. Kaya pala nakalimutan ng bata ang pangalan niya dahil siguro na-trauma rin sa mga pangyayari.
“ Pinaghahanap na nga nina Mr. Cheng ang bunso nilang anak na si Michelle. Wala pa ngang lead ang mga pulis kung nasaan ito. Hinahanap na rin ito ng nanay niyang Gizelle dahil nanumbalik na ang malay nito sa loob ng anim na buwang pagka-comatose. Kaso, tinatamad na yata ang pulisya dahil wala talaga silang lead kung saan na napadpad ang bata.
Ngayong alam na ni George ang totoong pagkatao ni Chiquitita ay may plano na siya para maibalik ito sa kanyang mga magulang. Lingid sa mga kidnapper ng bata na nasa kubol na KTV house ay lihim niyang kinuhanan ng magandang anggulo ang mga mukha ng kalalakihang nag-uusap. Sinipat niya ang close-up para makilala niyang mabuit ang mga tarantadong mga suspect. Pagkatapos ng raket niya ng sumunod na araw kina Pete ay lihim niyang pinuntahan ang bahay ng mga Cheng sa Dasmarinas, Cavite na nakuha niya kay Pete ang address nito. Kinausap niya ang sekyu na naka-tuka sa gate ng bahay na nais niyang kausapin ang mag-asawang Cheng dahil importante.
“ Naku bossing, may pupuntahan sina mama at sir. Importante rin eh.” sabat ng sekyu.
“ Saan ba ang lakad nila? tanong uli ni George.
“ Sa Maynila, sa isang opisina ng dyaryo roon para ibigay ang litrato ni Michelle para mahanap na kung nasaan siya. halos anim ba buwan na ksi siyang nawawala. Bakit ba?”
“ Ah, kasi tungkol ito kay Michelle. Pakisabi na may alam ako sa kanilang anak.” pahayag ni George. Waring na-excite ang sekyu kung kaya agad itong pumunta sa loob ng magarang bahay para sabihin sa amo niya ang isang magandang balita. Nang malaman ng mag-asawang Cheng na may panauhinsilang hindi inaasaha’y agad nilang pinapasok si George at buong galak na tinanggap. Excited naman siyang kinausap ni Gizelle, 34-anyos na mommy ni Chiquitita tungkol sa kanyang nalalaman sa bata.
“ May alam ka kamo sa aming anak. Nasaan siya? tanong ng ginang na paos pa ang boses habang inaalo ng asawang si Joel. Umiiyak na kasi ito sa kinauupuang wheel chair.
“ Oho, Mrs. Cheng. Katunayan nga ho’y nasa puder namin siya. Ligtas po siya at wala po dapat kayong ikabahala.”ani George. Sinabing lahat ng binata ang buong detalye ng pangyayari kung paano napunta sa piling nila si Michelle na binansagan nga niyang Chiquitita. Pati ang pag-trace niya s amga kidnapper ng bata ay kanyang sinabi at ipinakita pa ang mga pagmumukha ng mga ito na naka-save sa kanyang cellphone.
“ Maaari na ho ninyong puntahan si Michelle sa amin para makuha na ninyo. At dapat po nating gawin ay ipa-lathala sa tabloid ang mga mukha ng suspect para mahuli ng kinauukulan.” Mungkahi ng binata.
Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Nilakad na ni Mr. Cheng ang pagpapalathala ng mukha ng mga kidnapper ni Michelle at sa loob lamang ng 48-oras ay nahuli na ang mga ito sa isang rancho sa Trece Marteres sa Cavite. Sabik namang sinamahan ni George ang mag-asawa sa kanilang lugar para masundo ang anak nilang si Michelle.
Pagkakita ng bata sa kanyang mga magulang ay bakas sa kilos nito ang kasabikang makita ang kanyang mga magulang. Naiyak naman sa tuwa ang mga batang naroon sa bahay nina George ng makita ang eksenang iyon. Sa totoo lang ay nakadama ng lungkot sina George dahil mawawalay na sa piling nila si Chiquitita. Dinaan na lang nila sa palakpakan ang pagpipigil ng kalungkutan.
“ Maraming salamat sa inyong lahat. Salamat sa pagmamahal na inukol ninyo kay Michelle. Tatanawin naming malaking utang na loob ang kabutihang ginawa ninyo sa aming unica iha.” wika ni Mr. Joel Cheng.
“ Huwag kayong malungkot, padadalawin ko rito si Michelle para makita kayo anumang oras. At kayo, welcome kayong bumisita sa bahay anytime na nais nyong pumunta basta tawagan nyo lang kami.” wika ng mommy ng bata. Bago pa tuluyang sumakay ng Ford Expedition ang bata’y buong higpit itong yumakap kay George habang umiiyak. Niyakap din siya ng binata. Hindi naiwasang tumulo ang luha niya dahil napamahal na ng todo sa kanya si Chiquitita. Dahil sa hindi kumalas ang bata sa pagkakayakap sa kanya’y siya na ang naghatid nito sa magarang sasakyan. Hinagkan siya sa labi ng bata at nagpasalamat ng marami.
Pagkatapos niyaon ay inakbayan si George ni Mr. Cheng at kinausap sa isang sulok. May ibinigay ito sa kanyang envelop. Nang kanyang buksan ay puro tig-iisang libuhin ang laman niyaon.
“ Three million pesos iyan, George. Paunang pa-kunsuwelo pa lang iyan dahil sa pagkupkop mo sa aking anak. Malaking tulong yan para mairaos mo sa araw-araw ang mga batang kinukupkop mo.” ani Mr. Cheng. Subalit, ibinalik lamang iyon ng binata sa business Tycoon.
“ Hindi ko po matatanggap iyan, Mr. Cheng. Walang katumbas na halaga ang ginawa namin sa inyong anak gaya ng pagmamahal ng isang magulang. Masaya po ako na nakilala namin si Michelle at malaki ang nagawa niya sa aming buhay. Hindi basehan ang materyal na bagay para maging masaya ang isang pamilya, kundi ang pagmamahalan at payapang ugnayan sa isa’t-isa.” ani George.
Gayun na lamang ang paghanga ni Mr. Cheng sa prinsipyo ni George. Gustuhin man niyang ipilit na ibigay ang envelop ay alam niyang tatangihan iyon ng binata. Batid niyang hindi ito humihingi ng kapalit sa kabutihang bagay na ginawa nito sa kanyang anak. “Napakabuti mong tao, George. O siya, pahiya na ako sa iyo ngayon. Pero sana’y huwag mong tatangihan ang alok kong pag-aralin ang mga batang nasa poder mo. At isa pa, gusto kong ipaayos iyang may kalakihan nyong dampa pero maayos naman para magkaroon kayo ng magandang tahanan. Pati, electronic repair shop mo, aayusin natin.” Nakangiting wika ni Mr. Cheng. Marami pang pangako ang negosyante kay George at masaya siya dahil iyon ang bunga ng kanyang pagiging mabuti sa kapwa.
Sadyang may ganting kabutihan ang isang kabutihang inialay sa kapwa na dumadating ng hindi inaasahan. Pumayag siya sa tulong na inialok ng mag-asawang Cheng dahil sa totoo lang ay malaki ang maitutulong sa kanila lalo na sa mga bata. Maging praktikal sa ngayon sa tamang hulog. Hindi rin kasi siya papayag na dumadating na nga ang magandang pagkakataon ay ipagdadamot pa niya sa mga bata na hangga’t maaari’y ayaw niyang magmukhang basang sisiw dahil sa pangangalakal. Ang nais niya’y nasa paaralan ang mga ito upang tumuklas ng karunungang magagamit sa kanilang kinabukasan.
“ Salamat sa Iyo, Lord dahil napadpad sa pugad namin si Chiquitita na naging kasangkapan para ibigay Mo sa amin ang pagpapalang aming inaasam. “ wika ni George habang minamasdan si Michelle na kumakaway sa bintana ng salamin ng sasakyang unti-unting tumatakbo na sinusundan ng kanyang paningin sampu ng mga kasama niya sa bahay na nagsilbing bahay-ampunan. WAKAS
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento